Magbibigay ng insentibo ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa mga law enforcers at barangay officials na makahuli ng mga indibidwal na sangkot sa drag racing sa kani- kanilang area of responsibility.
Ayon kay Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza, kailangang paigtingin ang pagbabantay sa mga kalye lalo na’t ginagawang aliwan ito ngayon ng mga kabataan na nag-ala superman habang pinaharurot ang kanilang mga motorsiklo sa kalsada.
Inihayag ito ni Governor Mendoza sa ginawang Peace and Order Council Executive Meeting (PPOC ExeCom). Ito ay matapos namatay ang isang menor-de-edad dahil sa drag racing accident noong Sabado, Hulyo 29, 2023 sa Barangay Amas, Kidapawan City.
Binanggit niya na hindi ito ang unang kaso na may namatay dahil sa drag racing na karamihan ay ginagawa sa gitna ng kalye at national highways.
Ang PPOC ExeCom ay inilunsad sa Kidapawan City at dinaluhan nina Board Member Sittie Eljorie Antao-Balisi, Police Regional Director XII Jimili L. Macaraeg, at iba pang opisyal ng lalawigan, kapulisan at kasundaluhan.| ulat ni Nitz Escarpe| RP1 Davao