Susuriin ni Senador Alan Peter Cayetano ang magiging panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa susunod na taon, partikular ang pondo nito para sa flood control projects.
Ito ay kaugnay pa rin ng pagpuna ng mga senador sa patuloy na problema sa pagbaha sa bansa tuwing tag-ulan.
Pinunto ni Cayetano na kadalasang pangalawa sa pinakamataas sa lahat ng ahensya ng gobyerno ang budget ng DPWH.
Kaya naman dapat aniyang matiyak na ilalaan sa tamang prayoridad ang kanilang pondo.
Pinunto ng senador na sa kasalukuyan, 25 percent ng pondo ng ahensya ay inilagay sa flood control habang napag-iwanan na ang paggawa ng mga bagong kalsada.
Ang ganito aniyang prayoridad ng DPWH ang isa sa dahilan kaya hanggang ngayon ay problema pa rin ng bansa ang pagbaha.
Kaisa rin si Cayetano sa isinusulong ng iba pang mga senador na mabusisi sa Senado ang mga flood control projects ng DWPH at iba pang ahensya para masolusyunan na ang problema sa pagbaha. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion