Hinihintay ni Department of National Defense Secretary (DND) Gilbert Teodoro ang rekomendasyon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. kaugnay ng panukalang pagsasagawa ng Joint military exercises ng China at Pilipinas.
Ito ang sinabi ng kalihim sa mga mamahayag sa kanyang pagbisita ngayong araw sa La-lo Cagayan, para saksihan ang ongoing Humanitarian and Disaster Relief Operations (HADR) ng US military at AFP.
Bagama’t sa ngayon aniya ay wala siyang masasabi tungkol sa iminungkahi ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na joint exercises, kailangang tingnan muna kung may “areas of convergence” ang Pilipinas at China sa larangang ito.
Sinabi ni Sec. Teodoro, na ang naturang panukala ay nasa AFP Chief pero pinag-aaralan pa aniya ito.
Una nang sinabi ni AFP Chief Gen. Brawner, na bukas ang Pilipinas sa pakikipag-diyalogo sa iba’t ibang mga bansa alinsunod sa pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang Pilipinas ay “Friend to all, enemy to none.” | ulat ni Leo Sarne