Nasa ligtas nang kalagayan ang may 67 indibidwal matapos masagip ng mga operatiba ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa lumubog na motor banca habang nasa katubigang sakop ng Brgy. Macnit, Polilio Quezon, ngayong araw.
Batay sa ulat na natanggap ng Coast Guard, alas-10 kaninang umaga nang umalis ang motor banca na Jovelle Express 3 sa pantalan ng Patnanungan patungong Real sa Quezon.
Sakay nito ang may 60 pasahero at 7 tripolante, at may karga ring aabot sa 15 Styrofoam box ng mga isda.
Batay sa ulat ng mga tauhan ng Coast Guard sa Northern Quezon, may sapat na life vest na naibigay sa mga pasahero bago lumayag ang motor banca at mabuti naman ang lagay ng trapiko.
Habang pumapalaot ang naturang motor banca, isang matigas na bagay ang humampas dito na nagresulta sa pagkakasira at bahagyang paglubog.
Ala-1 naman ng hapon nang makatanggap ng distress call ang Coast Guard Substation sa Patnanungan, dahilan upang agad silang rumesponde.
Wala namang naitalang nasawi o nawawala sa insidente, at hinihintay na lamang ang isa pang sasakyang pandagat na maghahatid sa mga apektado patungo sa kanilang destinasyon. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: PCG