Nananatiling ‘missing’ o nawawala ang estado ng person deprived of liberty o PDL na si Michael Cataroja.
Si Cataroja ang nawawalang PDL at sinasabing nadiskubre sa loob ng septic tank ng New Bilibid Prison (NBP).
Sa motu proprio inquiry in aid of legislation ng House Committee on Public Order and Safety patungkol sa naturang isyu, sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Deputy Director for Operations Superintendent Angelina Bautista nang buksan ang isa sa septic tank sa NBP, tanging underwear at isang pirasong buto pang ang nakita nila.
Ang naturang buto ay hawak ng National Bureau of Investigation (NBI) upang alamin kung buto ng tao o hayop.
Nagpapatuloy din aniya ang paggalugad sa loob ng NBP at nalalabing septic tank upang mahanap si Cataroja.
Isang hiwalay na team din aniya ang nagbabantay sa pamilya ni Cataroja kung saan batay sa huling surveillance ay bumiyahe pa-Bicol.
Humingi naman ng paumanhin si Bureau of Corrections Dir. Gen. Gregorio Catapang sa mga mambabatas kung bakit inabot ng dalawang araw bago nila ipinagbigay alam kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may isang preso na nawawala.
Pinasusumite ng komite kay Catapang ang mga dokumento ng kanilang isinasagawang imbestigasyon tungkol sa pagkawala ni Cataroja.
Nangako rin ito na magbibigay ng weekly update sa mga mambabatas kaugnay sa isinasagawa nilang imbestigasyon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes