Isinusulong ni Davao City Rep. Paolo Duterte na gawing permanente ang National Patient Referral System sa pamamagitan ng pagsasabatas ng House Bill 7574.
Sa ilalim ng National Patient Navigation and Referral System Bill, gagawing magkaka-ugnay ang mga healthcare provider para mas madaling malaman ng mga pasyente kung saan maaaring pumunta para makapagpagamot.
Ang naturang referral system ay ang dating One Hospital Command, na ginamit noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic upang malaman ng mga pasyente kung saan sila maaaring pumunta.
Bagamat inalis na ang state of public health emergency, maaari pa rin ani Duterte na magpatuloy ang operasyon ng NPNRS bilang isang unit ng Department of Health (DOH), na tutulong sa lahat ng pasyente na kailangan ng abot-kayang medical care.
Makatutulong din ang NPNRS upang makahingi ng medical assistance sa Malasakit Center, mga ahensya ng gobyerno, at mga non-government organization para mabayaran ang pagpapagamot ng pasyente.
“Institutionalizing a patient navigation and referral system, which is a type of service delivery network, will ensure the continuing provision of quality care through the combination of capacities of individual health service delivery points into a unified delivery system,” saad sa panukala. | ulat ni Kathleen Forbes