Isinusulong ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na ma-review ng Senado ang prioritization ng Department of Public Works and Highways (DPWH) pagdating sa mga flood control program ng pamahalaan.
Ang pahayag na ito ng senador ay sa gitna na rin ng gagawing senate inquiry sa susunod na linggo, tungkol sa nararanasang matinding pagbaha sa bansa.
Gustong malaman ni Go, kung ano ang mga lugar na naging prayoridad ng DPWH sa pagkakaroon ng flood control program, dahil kahit aniya may ganito nang programa ay matindi pa din ang pagbaha sa maraming lugar lalo na sa Metro Manila.
Sinabi ng mambabatas, na kailangang malaman kung saang mga lugar ang flood control projects at declogging ng mga canal.
Pabor din si Go sa isinusulong na master plan para sa flood control management, para mailatag ng maayos ang proyekto at matugunan na ang problema sa pagbaha sa mga siyudad at lalawigan. | ulat ni Nimfa Asuncion