Tiniyak ni Department of Health Secretary Ted Herbosa na may nakahanda nang gamot para sa leptospirosis ang mga government hospital at lokal na pamahalaan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Inaasahan na ng DOH ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa mga lugar na nilubog ng baha matapos ang pananalanta ni bagyong Egay, Falcon at Habagat.
Sinabi ng kalihim, pagtama pa lang ng bagyong Egay ay nagpadala na ang DOH ng maraming gamot na antibiotic sa Region 1.
Kahalintulad na gamot din ang ipinadala sa Region 3 lalo na sa Bulacan at Pampanga na nakararanas pa ng malawakang pagbaha hanggang ngayon.
Para makaiwas sa leptospirosis, pinapayuhan ni Secretary Herbosa ang mga residente na iwasan ang pagbabad sa baha at agad magpatingin sa mga health center o ospital kung may naramdamang sintomas ng sakit.
Kabilang sa sintomas ay ang lagnat, panginginig ng katawan, paninilaw ng balat, pananakit ng mga kasukausan, matinding pananakit ng ulo at iba pa. | ulat ni Rey Ferrer