Kinumpirma ni Department of Justice o DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla na nakatakda silang maghain ng reklamo sa Korte Suprema laban sa 4 na Hukom ng Las Piñas City Regional Trial Court.
Ito’y matapos pagbigyan ang inihaing writ of habeas corpus ng ilang dayuhang kabilang 600 nasagip ng mga awtoridad matapos magsagawa ng raid sa isang POGO hub sa Las Piñas City noong Hunyo.
Sa pulong balitaan kahapon, sinabi ni Remulla na kasong administratibo ang kanilang ihahain dahil sa aniya’y malinaw na paglapastangan ng mga ito sa sistema ng katarungan sa bansa.
Sinabi pa ni Remulla na ilan sa mga dayuhang naghain ng writ of habeas corpus sa 4 na korte sa Las Piñas City ang nakalaya na nang wala man lang itinatakdang kolatilya o kondisyon sa ilalim ng mga umiiral na batas.
Labis ding ikinadismaya ng Kalihim ang aniya’y pagwawalang-bahala ng mga nabanggit na korte sa kapangyarihan ng Bureau of Immigration at DOJ para papanagutin sa batas ang mga naturang dayuhan sakaling mapatunayang sangkot sila sa operasyon nito.
Dagdag pa ni Remulla na pinag-aaralan pa nila kung idadawit din sa reklamo ang mga abogado na siyang naghain ng mga nasabing petisyon sa Korte. | ulat ni Jaymark Dagala