Ipinag-utos ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa mga contractor na magpatupad ng catch-up plan matapos maantala ng mga pag-ulan at pagbaha ang konstruksyon ng northern segment ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project.
Ito ay matapos na maiulat kay Bautista ng pitong contractor at dalawang general consultant ng NSCR Project na naapektuhan ng mga pag-ulan ang nagpapatuloy na konstruksyon ng proyekto simula sa Pampanga hanggang sa Metro Manila.
Ayon sa mga consultant ng proyekto, maaaring maantala ng 10 araw hanggang sa dalawang linggo ang konstruksyon ng NSCR Project.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na rin ang mga contractor sa mga lokal na pamahalaan kung saan naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha ang bahagi ng railway project.
Kaugnay nito ay nagsagawa na ng clean-up efforts at relief operations ang Sumitomo-Mitsui Construction Corporation na isa sa mga contractor ng NSCR Project. | ulat ni Diane Lear