Dumagdag ang mga bansang New Zealand at South Korea ngayong araw sa mga nagpahayag ng pagkabahala matapos ang nangyaring insidente noong August 5 sa Ayungin Shoal.
Sa pahayag ng Embahada ng South Korea, muling pinagtibay ang suporta nito para sa kapayapaan, katatagan, at rules-based order sa South China Sea bilang mahalagang international sea lane of communications.
Nanawagan naman si New Zealand Ambassador to the Philippines Peter Kell na iwasan na gumawa ng anumang aksyon na magpapalala ng tensyon at magpapahina sa trust and confidence at para sa pagresolba ng mga hidwaan na nakabatay sa 1982 United Nations Convention on Law of the Sea.
Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang mga bansa tulad ng Estados Unidos, Canada, United Kingdom, Japan, France, Germany at ang European Union hinggil sa nasabing insidente.| ulat ni Gab Humilde Villegas