Nakasuporta ang House of Representatives sa mas mataas na budget ng defense sector para sa susunod na taon upang mapalakas ang kapabilidad ng hanay maprotektahan ang teritoryo ng bansa.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, kaisa ang Kapulungan sa pagbabantay sa territorial integrity ng Pilipinas.
Kaya naman marapat lamang na palakasin ang depensa ng bansa para protektahan ang ating soberanya.
“Our commitment to safeguarding our territorial integrity and ensuring the safety of our citizens remains unwavering. As a nation, we must take proactive measures to enhance our defense capabilities and ensure that we have the necessary resources to effectively protect our sovereign rights,” sabi ng House Speaker
Tinukoy ng House leader, na sa ilalim ng 2024 P5.768 trillion proposed budget paglalaanan ng P282.7 billion ang defense sector sa susunod na taon.
Nasa 21.6% itong mas mataas kumpara sa kasalukuyang budget na P203.4 billion lang.
Habang P188.5 billion ang pondo para suportahan ang Land, Air, at Naval Force Defense programs kasama na ang UN Peacekeeping Mission.
Dagdag pa nito, na ang pagbibigay prayoridad sa defense sector ng bansa ay bahagi ng commitment ng gobyerno na pangalagaan ang soberanya ng bansa at isulong ang regional stability. | ulat Kathleen Forbes