Pinamamadali ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. ang pagproseso ng mga benepisyo ng pamilya ng pulis na nasawi sa pamamaril sa loob ng Taguig City Police Station.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Brigadier General Red Maranan, pinasisiguro ng PNP chief na maibigay ang lahat ng tulong sa pamilya ni Police Executive Master Sergeant Heriberto Saguiped at pati na rin sa pulis na sugatan sa insidente na si Police Corporal Alison Sindac.
Kasabay nito inihayag ni Gen. Acorda ang kanyang labis na pagkalungkot sa nangyayari at ipinaabot ang kanyang pakikiramay sa pamilya ni Saguiped.
Sinabi naman ni Maranan na pinagtutuunan ng kanilang imbestigasyon sa ngayon ang “individual demeanor” ng suspek na si Police Chief Master Sergeant Alraquib Aguel na sinabing may “underlying medical condition” kaya nag-amok at namaril.
Tinawag naman ng PNP na isolated case ang nangyari.
Nabatid na ang barilan sa Taguig City Police Station kamakalawa ay nag-ugat sa ulam na sinigang na baboy. | ulat ni Leo Sarne