Umusad na sa plenaryo ng Kamara ang panukalang magtatatag ng mga disaster food bank at stockpile sa buong bansa.
Sa ilalim ng House Bill 8463 o Disaster Food Bank and Stockpile Act na inaprubahan sa ikalawang pagbasa, ay magtatayo ng imbakan ng food supplies na magagamit tuwing may kalamidad sa bawat probinsya at urbanized city.
Sa pamamagitan nito, ay matitiyak na may nakahandang suplay ng pagkain, tubig at iba pang pangangailangan sa pagtama ng kalamidad gaya ng gamot at bakuna; potable power at light source; mga damit, tents at communication devices.
Pangungunahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagtukoy at pagtatayo ng stockpile sa mga istratehikong lokasyon, upang matiyak ang accessibility nito para sa lahat ng bayan sa isang rehiyon.
Titiyakin din na ligtas mula sa anomang contaminants ang pagtatayuan ng stockpile at hindi isasapubliko.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang magdidisenyo at magtatayo ng mga calamity-proof warehouse, kung saan itatago ang mga suplay.
Makalipas naman ang 12 buwan, kung hindi magamit ang stockpile ng pagkain ay maaari nang ipamigay ng DSWD sa indigent communities ang naturang food supplies.
Una nang sinabi ni House Committee on Disaster Resilience Chair at Dinagat Islands Representative Allan Ecleo, na mahalagang bigyang kapasidad ang mga local government unit (LGU) na punan ang pangangailangan ng mga residente kapag tumama ang kalamidad. | ulat ni Kathleen Forbes