Umabot sa 23 dating mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), na kilala rin sa tawag na Former Violent Extremists (FVEs) sa lalawigan ng Basilan, ang nakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Ayon sa pahayag ng 101st Infantry Brigade ng Philippine Army, ang 23 mga resipyente ay unang batch ng Enhanced Comprehensive Local integration Program (E-CLIP) para sa Basilan.
Ang E-CLIP assistance ay ipinagkaloob sa mga resipyente sa isang seremonya na ginanap sa Camp Luis Biel, ang punong tanggapan ng 101st Infantry Brigade sa Barangay Tabiawan sa Isabela City, Basilan.
Naging posible ang nasabing aktibidad sa koloborasyon ni Minister Naguib Sinarimbo ng Ministry of the Interior and Local Government sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao; Basilan Governor Jim Hataman-Salliman; B/Gen. Alvin Luzon, kumandante ng 101st Infantry Brigade; at ni Police Col. Carlos Madronio, provincial director ng Basilan Police Provincial Office.
Ang bawat resipyente ay nakatanggap ng tig-P65,000.
Ang distribusyon ay sinaksihan din ng mga opisyal ng militar at pulis na nakabase sa Basilan, at ng mga opisyal ng BARMM.| ulat ni Lesty Cubol| RP1 Zamboanga Sibugay