Panibagong taas sa presyo ng sibuyas, ikinaalarma ni Speaker Romualdez

Facebook
Twitter
LinkedIn

Muling ipinatawag ni House Speaker Martin Romualdez ang Bureau of Plant Industry matapos makapagtala ng paggalaw sa presyo ng sibuyas sa merkado.

Ani Romualdez, tila nagsisimula na namang maging aktibo ang mga hoarder at price manipulator ng sibuyas.

Batay aniya sa monitoring ng House Committee on Agriculture and Food nasa P90 hanggang P180 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa kasalukuyan.

“We will nip this problem in the bud. Hindi natin papayagan na pumalo ang presyo nito sa halagang di abot-kaya ng ordinaryong Pilipino. Akala yata ng mga hoarders at price manipulators na ito, hindi natin sila binabantayan. Sa pagkakataong ito, hindi nila tayo malulusutan. Pakikilusin natin ang lahat ng sangay ng gobyerno para maibalik sa dati ang presyo ng sibuyas,” diin ng House leader.

Partikular na pagpapaliwanagin ni Romualdez ang BPI sa kung paano muling nakontrol ng price manipulators ang presyo ng sibuyas.

Sa ngayon kasi naibenta na aniya ng mga onion farmers ang kanilang ani sa mga wholesalers pero kulang pa rin ang suplay dahilan kaya nagmamahal.

Ibig sabihin aniya, posibleng iniipit lang ito muli sa cold storage facilities para mapataas ang presyo.

“Kung hindi nila ilalabas ang mga produkto nila, baka mapilitan ang gobyerno na mag-import ng sibuyas. Hindi naman maaapektuhan ang mga magsasaka dahil wala na sa kanila ang mga produkto nila. ‘Yung mga hoarders at price manipulators ang siguradong na malulugi kung may importation,” sabi pa ni Romualdez.| ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us