Ilan pang mga senador ang nagpasalamat sa desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspendihin muna ang reclamation projects sa Manila Bay.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Loren Legarda, ang reklamasyon ay hindi kailanman isang ecological option kundi isang engineering option na layong mapalawak ang lupain.
Gayunpaman, binigyan diin ni Legarda na kailangang maging maingat at pag-aralang mabuti ang reclamation projects at hindi lang dapat ang perang makukuha dito ang bigyan ng bigat.
Kaugnay nito, pinunto ng senadora na pinapanukala niya ang pag amyenda sa environmental impact assessment system at ang integrated coastal management para magkaroon ng intergenerational responsibility sa pagtitiyak na ang mga gagawing desisyon ng gobyerno ay mabuti rin sa kalikasan at hindi makakapagpalala ng climate crisis.
Muli namang hinikayat ni Senadora Risa Hontiveros na itigil na ng gobyerno ang lahat ng mga China-funded reclamation projects sa Pilipinas.
Partikular na aniya ang may kinalaman ang China state-owned China Communications Contruction Inc., na sangkot rin aniya sa pagsira ng ating marine ecosystem sa West Philippine Sea.| ulat ni Nimfa Asuncion