Obligayson ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ayusin ang BRP Sierra Madre dahil ito ay aktibong commissioned na barko ng Philippine Navy.
Ito ang binigyang diin ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar kaugnay ng alegasyon ng China na nagdadala ng “construction materials” ang resupply boat na binombahan ng water cannon ng Chinese Coast Guard.
Nilinaw naman ni Aguilar na noong pagkakataong hinarang ng Chinese Coast Guard ang mga barko ng Pilipinas, ang dala ng mga ito ay tubig, pagkain at mga supply na kailangan ng mga sundalo na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre.
Gayunman, kung sakali aniyang magdala ng kagamitan ang AFP para ayusin ang BRP Sierra Madre dahil kinakalawang na ito, walang pakialam ang alinmang bansa dito.
Giit pa ni Aguilar, sa kabila ng insidente, matutuloy pa rin sa ibang pagkakataon ang resupply mission sa BRP Sierra Madre dahil hindi pwedeng pabayaan ang mga tropa doon. | ulat ni Leo Sarne