Umaasa si Senador Risa Hontiveros na walang mangyayaring whitewashing, special treatment, at paglimita sa parusang haharapin ng mga pulis na sangkot sa pagpatay sa 17-taong gulang na si Jehrode Jemboy Baltazar.
Matatandaang napaslang ng mga Pulis Navotas ang menor de edad na si Baltazar dahil sa mistaken identity o dahil napagkamalan ito ng mga pulis na murder suspect sa isang kaso.
Nakikiisa si Hontiveros sa pakikiramay sa buong pamilya ni Jemboy at kasama rin aniya siya sa paninindigan para makamit ang mabilis at tunay na hustisya para sa pagkamatay ng binatilyo.
Giit ng senador, bagamat kapuri-puri ang mabilis na imbestigasyon at detention sa mga pulis na sangkot sa kaso ay nakakapagtakang mababang kasong ‘reckless imprudence resulting to homicide’ lang ang isimampa sa mga pulis imbes na ‘homicide’ na.
Di hamak aniyang mas maliit ang parusa sa reckless imprudence na pagkakakulong na hanggang apat na taon kumpara sa homicide na pagkakakulong ng hanggang 20 taon.
Binigyang-diin ni Hontiveros na walang justification o excuse para sa pagpapaulan ng bala ng mga pulis sa isang sibilyan na hindi armado at walang ginagawang masama. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion