Nagsama-sama ngayong araw ang mga guro, learners, at mga magulang para sa pag-arangkda ng Brigada Eskwela sa Commonwealth Elementary School sa Quezon City.
Dito sinimulan ang kickoff ng 2023 Brigada Eskwela ng Quezon City Schools Division Office kung saan nagkaroon ng parada at Zumba dance.
Nakiisa rin ang ilang education stakeholder na nagpakita ng suporta sa Brigada Eskwela.
Handa na rin ang mga magulang na may bitbit na cleaning materials para sa paglilinis ng mga classroom upang maging kumportable at ligtas ito para sa mga estudyanteng magbabalik eskwela sa August 29.
Tiniyak naman Dr. Wilma Manio, Principal ng Commonwealth Elem School ang kanilang kahandaan para sa bagong school year.
Aniya, nasa higit 7,600 na mga estudyante na ang enrolled sa kanila at inaasahang madaragdagan pa ito habang papalapit ang pasukan.
Sapat naman aniya ang bilang ng kanilang classroom para full face-to-face classes ng mga estudyante.
Samantala, suportado naman nito ang bagong lunsad na Matatag K-to-10 curriculum ng Department of Education na makatutulong aniya para mas maiangat ang antas ng pagtuturo at kaalaman ng mga guro. | ulat ni Merry Ann Bastasa