Handa ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) na pumasok sa isang Memorandum of Understanding (MOU) sa foreign chambers of commerce para mapalawak pa ang saklaw ng Ease of Doing Business Law at pakinabang nito sa business sector at ekonomiya.
Kasunod ito ng pagdalo ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) Secretary Ernesto Perez sa Joint Maritime Committee (JMC) Meeting ng ilang foreign chambers of commerce sa German Club Manila kung saan tinalakay nito ang mga programa sa ilalim ng RA 11032 o ang ‘Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018’ (EODB Law).
Dito, ibinida ni Sec. Perez ang ilan sa tagumpay ng ahensya sa pag-streamline at pagtutulak ng digitalisasyon sa local government units (LGUs), na nakakatulong na para sa mas malaking business tax revenue at business registration.
Bukod dito, binigyang diin ng kalihim ang positibong hatid sa ekonomiya ng streamlining regulations kabilang sa telecommunications, energy, logistics, housing, health, food, pharmaceutical, at infrastructure sectors.
“Aside from the support of the private sector, we are also very thankful that our streamlining and digitalization efforts are being recognized and supported by President Ferdinand R. Marcos, Jr. as they align with his directives to improve bureaucratic efficiency in the country,” pahayag ni Secretary Perez. | ulat ni Merry Ann Bastasa