Muling magpapatawag ng isang Command Conference ang Commission on Elections (COMELEC) kasama ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa Agosto 22.
Ito ang inihayag ni COMELEC Spokesperson, Atty. John Rex Laudiangco matapos ang isinagawang courtesy call sa kanila ng bagong Commanding General ng Philippine Army na si Lt/Gen. Roy Galido.
Ayon kay Laudiangco, matagal nang nakatrabaho ng poll body si Galido mula nang siya’y pinuno pa ng Army’s 6th Infantry Division, Commander ng Western Mindanao Command at ngayo’y bilang pinuno na ng Philippine Army.
Sa nasabing courtesy call, kinuha na ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang pagkakataon para kunin muli ang suporta ng AFP partikular na ng Philippine Army para sa paghahanda at pagtitiyak ng seguridad para sa Barangay at SK Elections.
Magugunitang itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr si Galido bilang Philippine Army Chief, kapalit ni Gen. Romeo Brawner Jr na umakyat naman bilang Chief of Staff ng AFP. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: COMELEC