Sapat ang dollar reserves ng bansa upang sanggain ang mga banta ng global economic slowdown at pagtaas ng interest rate ng US Federal Reserves. Ito ang pahayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona.
As of July, nasa $99.7-billion dollars ang gross international reserves ng BSP, tumaas ito mula $99.4-billion dollars noong end of June.
Ayon kay Remolona, ito ay dahil sa net foreign exchange operations, mga kita ng gobyerno sa mga investments abroad, at ang foreign currency deposits ng National Government.
Bagaman, ayon sa BSP chief, inaasahan ang global spillovers, pagbagal ng economic growth ng mundo bunsod na rin ng pagtaas ng interest rate ng US Federal Reserves, walang dapat ipag-alala dahil sa sapat ang dollar reserves ng bansa.
Mahalaga sa Pilipinas na may buffer stock ng dolyar para protektahan ang ekonomiya sa anumang pagbabago sa panlabas na merkado.
Makatitiyak din ang mga investors at debt watchers na kayang bayaran ng bansa ang utang panlabas sakaling magkaroon ng economic downturn. | ulat ni Melany Valdoz Reyes
📸: BSP