Siniguro ng National Economic Development Authority (NEDA) na gagawa agad ng hakbang ang pamahalaan para tumugon kung sakaling magkaroon ng kakulangan ng suplay ng bigas sa bansa.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, mahigpit na naka-monitor ang Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook na binuo mismo ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Paliwanag pa ni Balisacan na partikular na binabantayan ay ang suplay ng bigas sa bansa.
Sa unang kalahati ng taon ay malaki umano ang suplay na na-import ng pribadong sektor.
Batay sa datos, aabot sa halos dalawang milyong metriko tonelada ng bigas ang inangkat at pumasok sa bansa ng rice traders.
Pero aminado ang NEDA na tali ang kamay ng gobyerno na direktang mag-angkat ng bigas mula sa ibayong dagat lalo pa’t ipinagbabawal na ito sa ilalim ng Rice Tarrification Law.
Dagdag pa ng NEDA na ang maaari umanong gawin ng gobyerno ay payagan ang mga pribadong sektor na mag-angkat ng suplay ng bigas sa ibayong dagat.
Ito’y kahit pa tumataas na rin ang presyo at nagpapatupad na rin ng paghihigpit ang ilang mga bansa na nagpro-produce ng bigas. | ulat ni Rey Ferrer