Hiniling ng kampo ng self-confessed gunman sa Percy Lapid slay case na si Joel Escorial sa Las Piñas City Regional Trial Court na maibaba sa Homicide ang kasong Murder na isinampa laban sa kaniya.
Ito’y matapos maghain ng motion to plea bargain ang kampo ni Escorial kasabay ng isinagawang pagdinig kaugnay sa nasabing kaso ngayong araw.
Nakasaad inihaing mosyon ni Escorial na dahil sa inamin naman nito ang kaniyang kasalanan kaya niya hiniling na maibaba ang kaso laban sa kaniya.
Ibig sabihin, kung pagbibigyan ng Korte ay maaaring umikli sa 20 taong pagkakakulong ang sentensiya kay Escorial mula sa dating habang buhay na pagkakabilanggo o katumbas ng 40 taon.
Bukod dito, hiniling din ni Escorial sa Korte na ilipat siya ng kostudiya sa Bureau of Corrections (BuCor) sa Samar dahil na rin sa usaping pangseguridad.
Ayon naman sa kapatid ni Percy Lapid na si Roy Mabasa, pag-aaralan ng kanilang abogado ang naturang hirit lalo’t kuwesyunable pa kung papasok si Escorial sa kuwalipikasyon.
Binigyang diin pa ni Mabasa na anuman ang kalalabasan ng inihaing mosyon ni Escorial, mahalaga para sa pamilya ni Percy Lapid ang makamit ang katarungan at makulong ang mastemind sa krimen.| ulat ni Jaymark Dagala