Idineklara na bilang Abu Sayyaf Group (ASG) free ang bayan ng Jolo, Sulu sa Peace and Order at Public Safety Cluster Meeting ng mga miyembro nito sa plenary na isinagawa sa Day Care Building ngayong hapon.
Ito ay sa pamamagitan ni Vice Mayor Ezzeddin Soud Tan bilang presiding officer base sa motion na i-adopt ng Municipal Task Force on Ending Local Armed Conflict Resolution No. 001 ni Councilor Ezzel Arab Abubakar, Chairman, Committee on Peace and Order and Illegal Drugs ng Sangguniang Bayan ng Jolo.
Sinaksihan naman ito ng mga miyembro ng naturang cluster mula sa lokal na pamahalaan, AFP, PNP, mga ahensiya ng gobyerno at iba pa na kabilang sa mga pumirma sa Manifestation of Commitment.
Hindi hamak ani Tan, maayos, payapa at ligtas na ngayon ang mga mamamayan sa naturang bayan, taliwas sa sitwasyon dati kung saan ay naging kidnap victim pa ito ng mga hinihinalang miyembro ng naturang bandidong grupo.
Pinagbasehan nito ayon kay LTC Domingo Robles, Commander ng 35th Infantry Battalion ng Philippine Army ang resolusyon na nauna nang pinagtibay ng walong barangay sa Jolo bago naideklarang ASG free ang buong bayan.
Tiniyak nito na wala na talagang ASG sa naturang bayan matapos ilang taon na rin mula nang hindi nakapagtala ng anumang banta ng seguridad sa Jolo.
Samantala, ani Robles, inaantay pang makapagsumite ng resolusyon ang ibang barangay sa Patikul upang maideklara na rin itong ASG-free tulad ng Maimbung, Pangutaran, Jolo, Talipao, Omar, Banguingui, Pata, Panglima Estino at iba pa bago maideklarang ASG free ang buong lalawigan ng Sulu.| ulat ni Fatma Jinno| RP1 Jolo