Inatasan ng Toll Regulatory Board o TRB ang mga toll concessionaire at operator ng mga expressway na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon na ipatupad ang dry-run ng Contactless Program para sa toll collection simula sa September 1.
Sa isang pahayag, sinabi ng TRB na ito ay suporta at alinsunod sa resolusyon na ipinasa ng Committee on Transportation ng House of Representatives tungkol sa muling pagpapatupad ng Contactless Program.
Ayon sa TRB, ang naturang dry-run ay mahalagang proseso para matiyak na magiging maayos ang pagpapatupad ng Contactless Program.
Kabilang sa mga toll plazas na lalahok sa dry-run para sa mga Easytrip Subscribers ang lahat ng toll plazas sa North Luzon Expressway, Subic-Clark-Tarlac Expressway, Cavite-Laguna Expressway, at Manila-Cavite Toll Expressway.
Para naman sa Autosweep Subscribers kasama ang lahat ng toll plazas sa NAIA Expressway, bahagi ng South Metro Manila Skyway, bahagi ng South Luzon Expressway, lahat ng toll ng Muntinlupa-Cavite Expressway, bahagi ng Metro Manila Skyway Stage 3, bahagi ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway, at bahagi ng STAR Tollway.
Para sa kumpletong listahan ng mga toll plaza, maaaring bisitahin ang Facebook page ng TRB.
Hinikayat naman ng TRB ang mga tollway user na gumamit na ng RFID imbes na cash, at ‘yung mga may RFID stickers ay siguraduhin na may sapat na load bago pumasok sa mga expressway. | ulat ni Diane Lear