Tinanong ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang economic managers ng administrasyon tungkol sa pinapanukala niyang P150 legislated wage hike para sa pribadong sektor.
Sa 2024 budget briefing sa senado, pinaabot ni Zubiri sa economic team ang pangangailangan na aprubahan na ang dagdag na sweldo para hindi na mangibang-bansa ang mga manggagawang pinoy.
Sinabi naman nina Finance Secretary Benjamin Diokno at NEDA Secretary Arsenio Balisacan na kung aaprubahan ang naturang panukala ay maaari itong magbunga ng pagtaas ng inflation rate.
Posible rin aniya itong magtulak sa mga employer na ipasa sa mga konsumer ang gagastusin nila para sa dagdag sahod ng mga manggagawa.
Binigyang diin naman ng senate president na babalik rin naman sa ekonomiya ng bansa ang pagbibigay ng dagdag na sahod sa mga manggagawa dahil tiyak ring gagastusin ito sa pagbili ng mga mamamayan sa kanilang mga pangangailangan at iba pang bilihin.
Pinunto rin ni Zubiri na sa ilalim ng panukalang 2024 National Budget ay may P16.95 billion na nakalaan para sa pagpapataas ng sweldo ng mga empleyado ng pamahalaan, kaya naman sana aniya magkaroon rin ng dagdag na sweldo ang mga manggagawa ng pribadong sektor.
Maliban sa mga minimum wage earners, sinabi rin ni Zubiri na panahon na ring madagdagan ang sweldo ng mga middle income earners.| ulat ni Nimfa Asuncion