Kailangan pa ring pag-usapan ng Nationalist People’s Coalition (NPC) kung aalisin din nila sa partido si expelled Congressman Arnolfo Teves Jr.
Sa isang press conference, sinabi ni NPC secretary-general at Rizal Rep. Michael John ‘Jack’ Duavit na pagpupulungan pa ng partido kung ilalaglag si Teves matapos tuluyang alisin ng Kamara bilang miyembro nito dahil sa ‘disorderly behavior’ partikular ang kaniyang patuloy na absence.
Kailangan din kasi aniya ikonsidera ang posisyon ng kaniyang local party sa Negros Oriental.
Aminado si Duavit na hati ang posisyon ng mga miyembro ng NPC kung aalisin ang dating kongresista, ngunit wala naman aniyang pilitan sa kanilang partido.
Bumoto si Duavit pabor sa expulsion ni Teves.
Malinaw naman aniyang nailatag sa committee report na ang patuloy na pagliban ni Teves ang naging batayan sa rekomendasyon at wala aniyang nakasaad na kriminal o terorista ang kasamahan.| ulat ni Kathleen Jean Forbes