Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na minamadali na nito ang payout para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ito ay matapos magkaroon ng pagkaantala sa payout ng 4Ps ngayong taon dahil sa ginagawang re-assessment ng ahensya sa mga benepisyo ng programa.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nasa 800,000 na mga pamilya ang natanggal sa listahan ng mga benepisyaryo matapos umanong bumuti ang kalagayan sa buhay, ngunit humiling ang mga ito na ma-reassess sila para muling makasama sa programa.
Ani Gatchalian, sa ngayon nagpapatuloy ang re-assessment at inaasahang matatapos sa Setyembre. Binigyang diin din ng Kalihim na dapat masala ang listahan ng mga kasama 4Ps.
Nangako naman si Gatchalian na pabibilisin ang payout sa bagong listahan ng mga benepisyaryo kapag natapos ang re-assessment.
Ang DSWD ay nakatanggap ng P151 bilyon na pondo ngayong taon para sa social protection programs nito, kung saan ang 4Ps program ang may pinakamataas na budget. | ulat ni Diane Lear