Panukalang pondo para sa flood control projects sa susunod na taon, kinuwestiyon ng ilang senador

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inusisa ni Senador Chiz Escudero ang malaking panukalang pondo para sa flood control program sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa susunod na taon.

Sa briefing sa Senado para sa panukalang 2024 National Budget, ipinunto ni Escudero na nasa ₱255-billion pesos ang panukalang pondo para sa flood control projects na mas malaki pa aniya kaysa sa panukalang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of National Defense (DND).

Mas malaki rin ito sa ₱181-billion pesos na nakalaan para sa sektor ng agrikultura ayon sa senador.

Kaugnay nito, hinanap naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa panukalang pondo para sa susunod na taon ang alokasyon para sa sinasabi ng DPWH na 60-kilometer floodway sa Central Luzon.

Una na kasing sinabi ng DPWH sa naging pagdinig tungkol sa bahang naranasan matapos ang bagyong Egay at Falcon na ang proyektong ito ang solusyon sa baha sa Bulacan.

Dahil hindi ito nakita sa 2024 proposed budget, tiniyak ni Villanueva na itatanong niya ito sa DPWH kapag oras na nilang sumalang sa budget deliberation sa Senado. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us