Iginiit ng Land Transportation Office (LTO) na dumaan sa tamang proseso ang bidding para sa driver’s license plastic cards.
Ito ay matapos maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Quezon City Regional Trial Court laban sa Department of Transportation, sa pagpapa-imprenta nito ng mga plastic card sa kinontratang Banner Plastic Cards, Inc.
Sa isang pulong balitaan ngayong hapon, sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza, na wala siyang nakikitang basehan sa pagpapahinto ng korte sa Banner Plastic Cards sa pag-iimprenta nito ng driver’s license plastic cards.
Ani Mendoza, hindi pa naman ito permanent injunction at magkakaroon pa ng pagdinig sa August 22 para maihayag ng LTO sa korte na naging patas at transparent ang nangyaring bidding process.
Kaugnay nito, ay naglatag naman ng iba’t ibang hakbang ang LTO para sa mga motorista na maaapektuhan ng pagkaantala ng pag-iimprenta ng driver’s license plastic cards.
Ang isang option ay itutuloy ang pag-iisue ng papel na plastic cards, at ikalawa naman ay ang pag-e-engrave sa kasukuyang driver’s license ng extension ng validity nito.
Sa August 25 naman, inaasahan na makakapag-deliver ang Banner Plastic Cards Inc. ng isang milyon na driver’s license plastic cards, at 5.2 milyon na plastic cards sa February 21, 2024. | ulat ni Diane Lear