Ipinag-utos na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagrepaso sa kasalukuyang guidelines nito sa pagbibigay ng accreditation sa mga volunteer fire brigade.
Kasunod ito ng nangyaring aksidente sa Tondo nitong Lunes kung saan isang 62-taong gulang na ginang ang nasawi habang walo ang sugatan matapos na masagasaan ng isang rumerespondeng volunteer fire truck.
Ayon sa kalihim, kasama sa pinatututukan nito ang pagpapatupad ng qualification standards sa lahat ng volunteer firefighters at mga driver ng fire truck.
Kailangan aniyang matiyak na walang anumang record ang mga magmamaneho ng fire truck sa reckless driving.
Inirekomenda rin nito ang pagsasailalim sa drug test at neuropsychiatric exams ng mga fire truck driver para masigurong sila ay nasa maayos na kondisyon.
Bukod sa mga driver, pinatitiyak din ng kalihim na ‘mechanically safe’ at akma sa operasyon ang mga firetruck ng volunteer fire brigades.
Nagpaabot ng pakikiramay si Sec. Abalos sa pamilya ng biktima ng insidente at siniguro ang kaukulang tulong sa mga nasugatan.
Nahaharap ngayon sa mga kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide, Physical Injuries, at Damage to Property ang driver ng fire truck na nasa kustodiya na rin ng pulisya. | ulat ni Merry Ann Bastasa