Pinarangalan ni Philippine Navy Flag Officer in Command, Vice Admiral Toribio D. Adaci Jr. ang mga tauhan ng Philippine Navy na nanguna sa troop rotation and reprovision (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre noong Agosto 5, na binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard.
Iginawad ni VAdm. Adaci ang Bronze Cross Medal sa mga Officer-in-Charge sa naturang misyon dahil sa kanilang ipinamalas na “courage and perseverence” sa gitna ng panganib sa buhay at bantang kanilang kinaharap.
Ang awarding ceremony, kung saan pinagkalooban din ng Plaque of Recognition ang mga natatatanging tauhan at unit ng Naval Forces West (NFW), ay bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-46 na anibersaryo sa Naval Station Carlito Cunanan, nitong Miyerkules.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Vice Admiral Adaci ang “achievements” ng Naval Forces West sa pagtataguyod ng soberenya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Pinasalamatan naman ni Naval Forces West Commander, Commodore Alan M. Javier PN, ang lahat ng tauhan ng NFW, kasama ang Operation Control Units at PN Reservists, gayundin ang Local Government Units, Non-Government Organizations, at Stakeholders sa kanilang kontribusyon sa tagumpay ng misyon ng NFW. | ulat ni Leo Sarne
📷: NFW