Welcome para sa Civil Service Commission (CSC) ang itinutulak ng Department of Budget and Management na dagdag-sahod para sa mga kawani ng gobyerno sa taong 2024.
Sa naunang pahayag ni DBM Sec. Amenah Pangandaman, sinabi nitong P16.95 bilyon na budget ang huhugutin sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund para sa umento sa sahod at nakapaloob ito sa 2024 National Expenditure Program (NEP).
Sa PIA forum, sinabi ni CSC Chair Karlo Nograles na magiging malaking benepisyo ito para sa mga civil servant kung maaprubahan.
Naniniwala naman ang opisyal na dahil sa salary standardization ay maituturing nang ‘competitive’ sa ngayon ang sweldo ng mga kawani ng gobyerno, na kadalasang mas mataas na aniya sa pribadong sektor.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit in-demand ang mga trabaho sa gobyerno at patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kumukuha ng career service exam.
Tuloy-tuloy naman aniya ang hakbang ng komisyon kasama ang pagsasagawa ng mga government career fair at planong pagpapalawak ng computerized exam para mas maraming Pilipino ang magkaroon ng tiyansang makapagtrabaho sa gobyerno.
As of June 30, may higit sa 204,054 job vacancies ang naitala ng CSC sa NGAs, GOCC, SUCS, local water districts at LGUs. | ulat ni Merry Ann Bastasa