Mariing sinasang-ayunan ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang pagtatanggal sa listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang mga indibidwal na lulong sa iligal na droga at pagsusugal.
Ayon kay Go, hindi tamang lustayin lang sa pagsusugal at sa iligal na droga ang perang ibinibigay ng gobyerno na ayuda para sa mga mahihirap nating kababayan.
Pinunto ng senador, hindi na nga ganun kalaki ang perang ibinibigay sa mga 4Ps beneficiaries ay sa maling bagay pa ito ginagasta ng ilang mga benepisyaryo.
Binigyang diin ng mambabatas, na rehab ang kailangan ng ganitong mga indibidwal at hindi ayudang pinansyal.
Sa halip aniya na sa pagsusugal at sa iligal na droga ay dapat sa pagkain at baon ng kanilang mga anak ginagasta ang financial aid na inaabot ng pamahalaan.
Sa ngayon ay naka-moratorium ang delisting ng DSWD ng mga 4Ps beneficiaries dahil sumasalamin sa reassessment ang mga naunang natukoy na mga benepisyaryong nakatakdang alisin sa listahan.
Inaasahang sa Setyembre matatapos ang assessment ng ahensya sa listahang ito. | ulat Nimfa Asuncion