Naghain si Senador Risa Hontiveros ng isang resolusyon na humihikayat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ratipikahan na ang International Labour Organization Convention 190 (ILO C190).
Layon ng naturang kasunduan na maprotektahan ang mga manggagawa mula sa pang-aabuso at harassment sa kanilang lugar ng paggawa.
Sa ilalim ng Senate Resolution 726 ni Hontiveros, pinunto nito ang report ng Department of Migrant Workers (DMW) na nagsasabing higit 24,000 na kaso ng pang-aabuso sa mga OFW sa Kuwait ang naitala noong 2022 kabilang ang 823 na nakaranas ng pisikal na pang-aabuso, 99 na sexuallly abused, at 26 na nagahasa.
Pinaliwanag ng senador na ang ratipikasyon ng ILO C190 ay hindi lang makakapagpabuti ng institutional framework ng Pilipinas sa pagpigil at pagtugon sa karahasan at harrassment, kundi makakahikayat rin sa international community na tiyakin ang parehong proteksyon sa lahat ng mga manggagawa.
Binigyang-diin rin ng mambabatas ang constitutional at moral duty ng estado na garantiyahin na ligtas ang lahat ng mga manggagawang Pinoy, lalo na ang mga kababaihan, nandito man o nasa ibang bansa.
Una nang sinuportahan ng Department of Labor and employment (DOLE), Commission on Human Rights (CHR), maging ng mga grupo ng employer at mga manggagawa ang pagratipika sa ILO C190. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion