Sinimulan na ng National Housing Authority (NHA) sa Region I & CAR 1 ang pamamahagi ng paunang ayuda sa mga pamilyang nawalan ng bahay sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Abra dulot ni bagyong Egay.
Naglabas ng pondo na P50 million ang NHA para sa mga nasalantang pamilya alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bawat pamilya ay pinagkalooban ng tig-P20,000 ayuda. May 641 pamilya ang nakatanggap na ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP).
Sa kabuuang bilang, 352 pamilya ang nabigyan sa munisipalidad at lungsod ng Pagudpud, Currimao at Laoag sa Ilocos Norte; 157 naman sa Penarrubia, Manabo, Pilar, La Paz, Danglas, Lagayan, Langiden, Tayum, Lagangilang, San Juan, Dolores at Tineg sa Abra; habang 132 naman sa Caoayan, Vigan City, Santa Catalina, San Vicente, Bantay, San Ildefonso, Sto. Domingo, Sinait at Santa sa Ilocos Sur.
Pagtitiyak pa ng NHA na magpapatuloy ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa iba pang pamilya bago matapos ang Agosto ngayong taon. | ulat ni Rey Ferrer