Ipinahayag ni National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. ang pakikiisa ng Pilipinas sa United Nations at pandaigdigang komunidad sa paggunita ng “International Day of Remembrance and Tribute to the Victims of Terrorism”.
Ang paggunita ngayong Agosto 21, ay may temang “Legacy: Finding Hope and Building a Peaceful Future”.
Sa isang statement, ipinaabot ni Usec. Torres ang pakikisimpatya ng bansa sa lahat ng biktima ng karahasan sa buong mundo, kasabay ng pagsabi na patuloy na banta sa mapayapang pamumuhay ang ilang mga ideolohiya na nagsusulong ng karahasan.
Maging ang Pilipinas aniya ay biktima ng paghahasik ng karahasan ng CPP-NPA-NDF, na kumitil ng inosenteng buhay at gumulo sa buhay ng mga komunidad sa kanayunan.
Tiniyak naman ni Usec. Torres ang commitment ng NTF-ELCAC na makipagtulungan sa United Nations at sa pandaigdigang komunidad upang mawakasan ang lahat ng uri ng terorismo, tungo sa paglikha ng isang mundo kung saan namamayani ang “peace, tolerance, and understanding”. | ulat ni Leo Sarne