Nanawagan si Senate Committee on Public Services chairperson Senadora Grace Poe na dapat nang ipamahagi sa mga drayber at operator ang fuel subsidy na inilaan ng pamahalaan.
Ayon kay Poe, dapat nang agad na maglabas ng kautusan ang Department of Transportation (DOTr) sa pamamahagi ng fuel subsidy lalo’t sa ilalim ng 2023 National Budget ay may alokasyong pondo naman para dito.
Binigyang diin ng senadora na magtatapos na ang taon ay hindi pa rin nagagamit ang pondong ito.
Muli ring nanawagan ang mambabatas sa executive branch, partikular sa Department of Finance (DOF) na suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo hangga’t maging stable na ang presyo ng langis at gasolina.
Kada kongreso na lang aniya ay naghahain siya ng panukala kaugnay nito, at patuloy aniya itong gagawin ng senadora sa hinaharap kung kinakailangan.
Hinikayat rin ng mambabatas ang DOTr at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board(LTFRB) na humanap ng iba pang alternatibo para matulungan ang PUV sector at mga commuter sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.| ulat ni Nimfa Asuncion