Hinahamon ng Police Regional Office (PRO) 6 ang kampo ng magkakapatid na Barrios, na siyang paksa ng raid ng mga baril sa Passi City, Iloilo na magsampa ng kasong kriminal laban sa mga pulis ng Passi City Police Station.
Ang hamon ay inihayag ni Police Brigadier General Sidney Villaflor, hepe ng PRO6 sa kampo ni Staff Sergeant Jeffrey Barrios at kapatid nitong si Neptalie Barrios, matapos sabihin ng mga ito na nagtanim ng mga ebidensya ang mga pulis at ninakawan sila ng PhP135,000.
Si Sergeant Barrios ay nakatalaga sa 301st Infantry Brigade Philippine Army.
Naka-duty siya nang salakayin ng mga pulis ang kanyang bahay.
Naunang itinanggi ni Iloilo Police Provincial Office (IPPO) director Ronaldo Palomo na nagtanim ng mga armas at iba pang-ebidensya ang mga operating team sa bahay ni Neptalie na naaresto noong Agosto 12.
Ang pamilyang Barrios ay suspek sa pag-strafing sa bahay ng pamilya Gonzales sa Barangay Braulan, bayan ng San Enrique, noong July 30.
Gustong wakasan ni Villaflor ang mga sinasabing may bahid ng iregularidad ang pagsalakay sa mga bahay ng magkapatid.
Inutusan niya si Colonel Palomo na pumunta sa pamilya Barrios upang himokin na magsampa ng kaso upang maharap sila ng mga pulis sa tamang forum at maipakita ang mga ebidensya na kanilang nakalap.
Noong una, nais ng PRO 6 na maliitin ang mga akusasyon hanggang sa magkaroon ng ilang mga post sa social media na nakakuha ng pambansang atensyon.| ulat ni Elena Pabiona| RP1 Iloilo