Nais ni Former Environment Secretary Lito Atienza na mapanagot ang mga opisyal ng pamahalaan na nasa likod ng pag-apruba ng mga reclamation projects sa Manila Bay.
Sa Pandesal Forum, sinabi ni Atienza na pabor ito sa desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspendihin ang mga reclamation project sa Manila Bay habang nirerebyu ang compliance ng mga naturang proyekto at ang epekto nito sa kapaligiran.
Giit pa nito, dapat na masampahan ng kaso ang mga opisyal na nagbigay ng permiso sa mga reclamation project dahil sa pag-abuso nila sa kapangyarihan.
“Para sa akin, idemanda ang lahat ng kasangkot sa pag-apruba ng mga permisong yan. It is not enough to prevent it. We have to put a stop, totally stop the issuance of reclamation permit all over the island,” ani Atienza.
Kaugnay nito, hinikayat naman ni Atienza ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na manguna sa pagbibigay proteksyon sa Manila Bay.
Kung ito aniya ang tatanungin, dapat na lubusan nang ipahinto ang mga reclamation project na nakakasira lang sa kalikasan at sinasamantala lang ng malalaking korporasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa