Posible nang maiakyat sa plenaryo para pagdebatihan ang House Bill 8910 o Adolescent Pregnancy Prevention Act.
Layunin nitong bigyan ang sexually active minors ng access sa family planning methods gayundin ang pagtuturo ng reproductive health, at sexuality education na angkop sa kanilang edad.
Ang mga edad 15 hanggang 18, ay bibigyang access sa reproductive health information at services kabilang ang legal contraceptives nang hindi kinakailangan ng parental consent.
Bibigyang access din ang mga wala pang 15 taong gulang nang walang parental consent kung sila ay buntis o nakaranas ng sexual assault, miscarriage, sexually active o engaged sa ‘high-risk behavior’.
Kung mayroon naman kapansanan sa pag-iisip ang indibidwal na mas bata sa 15 taong gulang ay kailangan ng consent ng magulang bago mabigyan ng access sa reproductive health services.
Aatasan naman ang Department of Education na bumuo ng pamantayan, module, at iba pang materyales para sa Comprehensive Adolescent Sexuality Education (CASE) katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno.
Titiyakin din dito ang social protection ng adolescent parents upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at makapagtrabaho. | ulat ni Kathleen Forbes