Economist-solon, pinasususpindi pansamantala ang pagpapataw ng taripa sa imported na bigas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Iminungkahi ni Appropriations Committee Senior Vice-Chair Stella Quimbo sa Department of Agriculture (DA) na suspindihin muna ang pagpapataw ng taripa sa imported na bigas.

Sa paghimay sa panukalang budget ng DA, sinabi ni Quimbo na kung aalisin muna ang taripa sa inaangkat na bigas ay halos magiging kapantay lang nito ang presyo ng local rice bago ang storage at marketing cost.

Batay sa datos ng DA ang kasalukuyang landed cost ng imported na bigas ay nasa ₱20 pesos at kung daragdagan ng taripa ay papalo ang bentahan sa ₱30 hanggang ₱40.

Kung ikukumpara naman sa lokal na bigas, papalo rin ito ng ₱28 hanggang ₱30.

Kaya kung aalisin ang taripa ay mapapababa kahit papaano ang presyo ng imported na bigas.

“So kung ipagpapaliban muna natin ang pag-collect ng tariff, magiging halos pantay po ang presyo ng local at imported at more or less at ₱30 before storage cost and marketing cost… Ang stiwasyon ngayon is mas mura ang local, so when we bring in imported rice, in order for us to make sure that price is as low as possible in order to prevent rice inflation, baka naman pwede nating suspindihin muna ang pagkolekta ng taripa,” hirit ni Quimbo.

Wala namang nakikitang problema si Quimbo kung suspindihin muna ang taripa dahil may nalalabi pang halos ₱10-billion na pondo para sa Rice Competitive Enhancement Fund mula 2022 hanggang 2023 na magagamit pa rin para tulungan ang mga magsasaka salig sa Rice Tariffication Law.

“Anyway, marami pa naman pong natitirang pondo sa RCEF — 2022 at 2023. And at the same time medyo may kabagalan naman talaga ang paggamit ng RCEF… meron tayong two-point something billion pesos na hindi nagastos noong 2022 and at the same time, sa 2023 mayroong ₱8-billion plus na hindi pa po nao-obligate,” paliwanag ng mambabatas.

Nangako naman si Agriculture Undersecretary for Policy, Planning, and Regulations Mercedita Sombilla na kanilang aaralin ang suhestyon ng lady solon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us