Inamin ng Pambansang Pulisya na demoralisado ngayon ang karamihan sa kanilang mga tauhan kasunod ng pagkakasangkot ng ilang mga pulis sa pag-abuso sa kanilang kapangyarihan.
Ipinahayag ito ni PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kahapon tungkol sa pagkakapaslang ng mga pulis-Navotas sa 17-years old na binatilyo na si Jemboy Baltazar.
Ayon kay Sermonia, nakakaramdam rin ng kahihiyan ang kanilang liderato sa insidenteng ito.
Kaugnay nito ay mahigpit na aniyang pinatutupad ng PNP ang one-strike policy sa mga pulis na masasangkot sa krimen habang three-strike policy naman para sa command responsibility ng mga superior ng mga pulis na masasangkot sa krimen.
Bumaba at nag-iikot na rin aniya ang mga nasa liderato ng PNP sa mga regional, provincial, hanggang sa mga Police station para ipaalala at ipaintindi sa mga kawani ng pulisya ang kanilang mga polisiya sa Police operational procedure, internal disciplinary mechanism, at doctrine ng command responsibility. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion