Nadagdagan pa ang bilang ng mga pamilyang nananatili sa evacuation centers kasunod ng tumamang magnitude 5.9 na lindol sa Davao de Oro noong nakaraang linggo.
Sa pinakahuling datos mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, as of March 13, umakyat pa sa 3,659 ang bilang ng mga pamilya o katumbas ng 16,362 na indibidwal ang nananatili sa 12 evacuation centers sa lalawigan.
Nasa 1,476 pamilya rin o nasa 7,271 ang pansamantalang nakikitira muna sa kanilang kaanak.
Kaugnay nito, nakapagtala rin ang DSWD ng higit 500 kabahayan na labis na nasira sa lindol habang halos 3,500 rin ang partially damaged.
Tuloy-tuloy pa rin naman ang relief efforts ng DSWD sa lalawigan na nakapaghatid na ng higit ₱21.8-milyong halaga ng assistance sa mga apektadong LGU. | ulat ni Merry Ann Bastasa