Inihayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na tatlong bagong proyekto ang madaragdag sa listahan ng Infrastructure Flagship Projects ng pamahalaan, ang inaprubahan ng NEDA Board.
Ito ay sa katatapos na 8th NEDA Board Meeting na pinangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ayon kay Balisacan, kabilang dito ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX Extension Project; Philippine Rural Development Project Scale Up; at Upgrade Expansion, Operation, and Maintenance of the Laguindingan International Airport Project sa Misamis Oriental.
Ani Balisacan, ngayong kasama na ang mga naturang proyekto sa listahan ng IFPs, magiging prayoridad na rin ito sa annual budget ng pamahalaan, kung saan mapapabilis na rin ang pag-iisyu ng mga permit at lisensya sa mga proyekto.
Dagdag pa ng kalihim, mahalagang ambag ito para matapos sa itinakdang petsa ang mga proyekto na makatutulong sa ekonomiya ng bansa.
Tiniyak naman ng NEDA ang maayos na implementasyon sa high-impact infrastructure projects sa ilalim ng Marcos Administration. | ulat ni Diane Lear