DepEd, nangangailangan ng dagdag na pondo para matugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong bansa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kakailanganin ng Department of Education (DepEd) ng P397 billion na pondo para tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kaugnay sa kahandaan ng mga paaralan sa pagbubukas ng klase, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas, na nasa 159,000 ang kailangang classrooms sa buong bansa para matugunan ang ideal na ratio ng dami ng mga estudyante sa bawat silid-aralan.

Sa kabila nito, ibinahagi ni Bringas na sa ilalim ng panukalang 2024 national budget ay nasa P10 bilyong lang ang nakalaang pondo para sa pagpapatayo ng mga classroom.

Ipinunto naman ni Committee Chairperson Senator Sherwin Gatchalian na batay sa datos, 32 percent ng mga classroom para sa kinder hanggang grade 6 ang maituturing na congested o hindi nakakasunod sa ideal classroom-to-student ratio na 1:32; 41 percent naman ang congested sa high school; habang 50 percent ang sa senior high school.

Kaya naman, sinabi ng opisyal na ilang mga paaralan ang nagpapatupad ng hanggang tatlong shift ng klase habang dalawang shifts naman ang iba.

Maliban sa kakulangan ng mga classroom, kinumpirma rin ng DepEd na nananatiling problema ang kakulangan ng mga guro. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us