Ligtas na na-repatriate ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamamagitan rin ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang nasa 108 na mga distressed Pilipino, kabilang ang dalawang menor de edad.
Ang mga nasabing distressed Pilipino ay dumating sa bansa noong August 14 at 15 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), lulan ng Saudia Airlines at Gulf Air flights.
Sinagot ng Assistance-to-Nationals (ATN) Fund ng DFA Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) ang pamasahe ng mga nagpasaklolong Pilipino pabalik ng bansa.
Ayon sa DFA, karamihan sa mga na-repatriate na mga Pilipino ay undocumented workers na nanunuluyan sa shelter ng Embahada, kung saan pinangunahan ni Philippine Ambassador to Kuwait Jose Cabrera III; at pinangasiwaan ni Vice Consul Josel N. Mostajo, pinuno ng ATN Section ng Embahada, sa pakikipag-ugnayan sa Migrant Workers Office (MWO) sa Kuwait.
Mula Enero ngayong taon, aabot sa 763 na mga Pilipino na ang na-repatriate ng DFA sa pamamagitan ng Embahada at OUMWA.
Habang 5,940 na mga indibidwal ang na-repatriate kung saan sagot ng DFA, DMW, OWWA, mga employer, pamilya ng mga OFW, at recruitment agencies ang pamasahe para sila ay makauwi. | ulat ni Gab Villegas