Iginiit ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang panukalang reporma sa pension system ng mga military and uniformed personnel (MUPs) ay non-negotiable at dapat direktang tumugon sa implikasyon sa pondo na nagmumula sa indexation at kawalan ng personnel contribution.
Nanindigan si Diokno sa MUP reform proposal ng economic team kabilang dito ang mandatory 5% contribution ng mga active personnel para sa year 1 hanggang 3, 7% sa year 4 hanggang 6 at 9% simula year 7 at sa mga susunod pang taon habang ang mga bagong pasok ay 9% agad ang contribution.
Sagot naman ng gobyerno ang kulang upang mabuo ang 21% total pension premium.
Ito ang sagot ni Diokno kasunod nang naging pasubali ni Defense Secretary Gilbert Teodoro sa substitute bill na inaprubahan ng House of Representatives Ad Hoc Committee ukol sa pension reform.
Ayon kay Teodoro, nais niya na hindi mabago ang pensions and entitlements, maging ang 100% automatic indexation.
Sa panig ng DOF chief, nakakabahala ang panukalang pagtuloy-tuloy ng indexation dahil kung papayagan niya ito ay magiging unstable ang pension system at lalo lalaki ang deficit. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes